Chapter Text
Nang dahil sa hirap, napilitan ang mga magulang ni Baekhyun na makipagsapalaran sa ibang bansa upang maghanapbuhay para sa kinabukasan ng kanilang pamilya. Masakit man ang sitwasyong ito para sa buong pamilya nila ay iyon lamang ang nakikita nilang paraan upang guminhawa ang kanilang buhay. Kaya naman napilitan ang mga magulang ni Baekhyun na iwanan siya sa pangangalaga ng mga Park, ang lolo't lola ni Baekhyun sa kanyang father side. Inaasahan nila na habang sila ay nagtatrabaho sa ibang bansa ay mamumuhay si Baekhyun ng masaya at masarap sa piling ng kanyang lolo't lola.
Naging masaya ang kabataan ni Baekhyun noong una. Payak man ang buhay, hindi naman nagkulang ang lolo't lola ni Baekhyun na iparamdam sa kanya ang pagmamahal na dapat niyang natatamasa. Masagana ang buhay nina Baekhyun sa bukid. Marami silang tanim na gulay at sariwa ang hangin na kanilang nalalanghap. Buwan-buwan nagpapadala ang mga magulang ni Baekhyun ng pera upang masustentuhan ang kanyang pag-aaral, pangangailangan niya, at mga gamot ng kanyang lolo't lola. Dahil wala namang smartphone ang mga Park at tanging lumang Nokia 3310 lamang ang meron sila ay sa simpleng text at tawag lamang nagkakausap sina Baekhyun at ang kanyang mga magulang.
Masaya naman pero kung tutuusin ay parang isolated si Baekhyun sa mundo. Wala rin kasi silang malapit na kapitbahay. Medyo malalayo kasi ang agwat ng mga bahayan sa kanilang bukid. At halos isang oras naman ang byahe nila para makapunta sa bayan na minsan lang nila magawa dahil wala naman silang sasakyan. Kaya naman lumaking inosente si Baekhyun sa napakaraming bagay. Isa itong dahilan sa laging pag-aalala ng lola ni Baekhyun na baka paglaki nito ay madali siyang mapagsasamantalahan ng mga tao. Ang lola ni Baekhyun na si Rose Park ang pangunahing nag-aalaga kay Baekhyun dahil sa kanyang natural na pagiging malambing at maunawain. Ang lolo naman ni Baekhyun na si Chanyeol Park ay ang mas strikto sa dalawa. Tahimik lang ito at kadalasang nag-aasikaso ng kanilang mga pananim na gulay. Dahil dito, mas malapit si Baekhyun sa kanyang lola pero ramdam din naman ni Baekhyun na mahal siya ng lolo niya.
Naranasan ni Baekhyun ang una niyang malaking paghihirap sa buhay noong siya'y sampung taong gulang. Nang dahil sa sakit sa puso ay namayapa ang kaniyang lola habang natutulog. Noong dalhin naman nila sa ospital ay wala nang nagawa ang mga doktor. Parang gumuho ang mundo ni Baekhyun. Ang kanyang lola na nagpalaki sa kanya, ang mahal niyang lola, wala na. Sobrang sakit para kay Baekhyun ang nangyari. Ngunit kinalaunan ay natanggap din naman niya ang nangyari, masakit pero tumatak ang mensahe ng kaniyang ina na nasa ibang bansa upang pulutin ni Baekhyun ang sarili niya.
"Anak, alam kong sobrang lungkot mo pa. Kahit kami rito ay hindi pa rin makapaniwala kahit isang buwan na mula nang lisanin tayo ng iyong lola. Ngunit anak, alam ko na alam mo rin na kahit nahihirapan ang iyong lola ay palagi pa rin siyang nakangiti. Hindi niya gugustuhing nagmumukmok tayo at habang buhay na lamang malulungkot. Laging positibo ang pananaw ng lola mo kaya siguro gugustuhin niyang ngumiti tayo pagkatapos nating iiyak lahat ng ating pangungulila sa kanya. Higit sa lahat, alagaan mo ang lolo mo anak. Siguradong sobrang lungkot ng lolo Chanyeol mo. Alam kong mas malapit ka sa lola mo noon pero inalagaan ka rin ng lolo mo, kayong dalawa ng lola mo, kaya huwag kang magaalinlangan na ipadama sa kanya na kasama mo siya sa panahong ito. Mahirap Baekhyun anak, pero kailangan natin magpatuloy sa buhay. Mag-iingat kayo palagi at mag-aaral ka nang mabuti pagbalik mo sa paaralan. Mahal ka namin anak..." wika ng kanyang ama't ina noong nagkatawagan sila.
Sobrang tumatak sa puso't isipan ang bilin sa kanya ng mga magulang. Pinangako niya sa sarili niya noon na aalagaan niya rin ang kanyang lolo at gaya ng pag-aalaga sa kanya ng kanyang lola. Kaya simula noon, sinubukan niyang mas maging mapalapit ang loob sa kanyang lolo Chanyeol.
